Subscribe

HINDI APEKTADO

Posted by DPaoloMBarroga ™ on Monday, November 8, 2010

Relihiyon lang ang hindi apektado ng “global economic crisis” sapagkat sa panahon ng krisis sa ekonomiya ng Pilipinas, mas nagiging relihiyoso ang mga Pilipino. Sa panahong nararamdaman na ang pait ng buhay, higit na naghahanap ng makakapitan. At sapagkat hindi makakuha ng sapat na tulong galing sa mga taong nakikita at pinapanginoon kahapon, isasalin na lamang ngayon ang pansin at pag-asa sa pananampalataya.

Ang imaheng nasa espiritu ng relihiyon, maging ito man ay kasing-negro na katulad ng Nazareno sa Quiapo o kasing-tisoy ng imaheng ipinaparada sa Pampanga, ay nakikitang isang matibay na kakapitan sa panahon ng kagipitan. Mayroon itong isang hiwaga na sa oras na ikaw ay manampalataya, ikaw ay makatatanggap ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya. Sapagkat kapani-paniwalang sa oras ng bagyo ay may isang “rescue officer” na maaring magligtas sa mga “nasalanta.”

Kaya nga, sa patuloy na panganganak ng iba’t ibang relihiyon, patuloy rin sa pagdami ang mga nagiging tagasunod. At sa patuloy na pag-usbong ng mga nananampalataya, maliwanag na sandamukal na abuloy para sa mga namumuno.

Sa  bahay-sambahan, kung ika’y dadalo at mag-aaral ng mga banal na salita, (bible study o prayer meeting sa iba) hindi maaaring hindi ka mag-aabuloy. Bahagi ito ng pananamplataya mo bilang isang Kristiyano. Bahagi ito ng aral o batas na naisubo sa iyo magmula pa sa iyong kabataan. At ito rin iyong ipinangaral ng mga mananakop halos limang daang taon na ang nakalilipas. Kahit barya na lang ang madudukot mo sa bulsa, hindi makakalimutan ang pagbibigay. Sapagkat sa pagbibigay, maipakikita mo na ikaw ay nakikibahagi sa mga gawaing nakaatang. At sinasabing ang hindi pagbibigay ay “pagnanakaw” sa nasa Itaas.

Bibili ka pa ng kandila sa loob. Ititirik ito sa paniwalang matutupad ang iyong mga kahilingan. Para magkaroon ng bisa, maliwanag ang limang pisong hulog sa donation box na nasa tabi. Kung medyo hindi ka nakuntento at naghahanap ka pa ng mas mabisang makakapitan, hindi mo paliligtasing bilhin ang mga rosaryong nasa eskaparate, ang mga maliliit na kuwintas ni St. Francis of Assisi para sa mga maysakit at ang pigurin ni Sto. Niño sa iba’t ibang kulay, outfit at design. Mas mahal ng kaunti ang mga nasa kanan sa dahilang ito’y “nabasbasan na”. May power na taglay, ‘ika nga.

Nakahilera rin ang mga printed materials para sa mga mahihilig magbasa. Naglalaman ito ng sari-saring dasal, istorya, kwento, bulong at novena para sa iba’t ibang santo at santa. Iba ang dasal kay Santa Maria, iba naman ang panalangin para kay San Pedro. Siyempre pang may katumbas na halaga ang bawat isa. Depende ang presyo sa sukat at kapal ng babasahin. Depende sa dami ng mga pahina at depende rin sa kintab, kapal at uri ng papel na ginamit.

Kung gustong maisakatuparan ang mga sakramento at upang mahigpit na makakapit upang makatanggap ng siksik, liglig at umaapaw na mga biyaya, susundin mo ang mga alituntunin ng batas.

May sobre para sa binyag. Pwera dito ang “entrance fee” na binayaran ng mga magulang kapag ililista ang pangalan ng bata. Ang sobreng puti ay para sa mga Ninong at Ninang at iba pang mga kasama. Kung kapamilya ka, o kahit kapuso pa, hindi ka paliligtasin ng sobreng ito.

Kung nagparamdam naman ang lolo mong namatay, kailangang magpamisa para sa ikatatahimik at ikaaahon ng kaluluwa sa purgatoryo. Doon sa sekretarya ng sambahan ang punta mo. Gagawa ka ng appointment para mai-book ang lolo mong namatay sa mga iaahon mula sa purgatoryo. Tatlong klase ang presyo sa tatlong klase ng pamisa. First Class, Business Class at Economy Class. Kung gusto mong maging priority ang lolo mo at hindi chance passenger, first class ang kunin mo. Pero, natural, dahil first class ito, mas mataas ng kaunti ang pamasahe.

Kung nagbabalak magpakasal, may dalawang klase naman, primera at segunda. Depende ang price tag sa dami ng bulaklak, sa hilatsa ng red carpet at sa lakas ng boses ng magkakasal. Mamimili ka rin kung may kasamang singer at isang piyanista. Sa primera, ala-Celine Dion ang boses ng kakanta. Sa segunda, medyo pasmado ang kamay ng piyanista. Ang table charge at show charge ay lalabas sa iyong chit pagkatapos ng seremonya.

Ang mga abuloy ay napupunta daw sa mga gawain ng relihiyon. Napapakinabangan ba ng mga miyembrong nangasalabas ng simbahan na nagtitiis sa lamig ng lansangan dahil walang pook na titirhan? Napupunta ba sa mga gutom na batang nasa bingit ng panganib sa humahagibis na sasakyan pagkat kailangang maglimos upang kumain? O sadyang hindi nakikialam, sapagkat ang pagtulong at pagkupkop sa mga ito'y itinuturing na tungkulin ng gobyerno?

Apektado ang lahat ng negosyo sa krisis, pati ang negosyo na pamahalaan. Pero, relihiyon lang ang maaaring hindi apektado. Maaaring hindi maghihirap ang mga relihiyon. Sapagkat sa patuloy na paghahanap ng mga tao ng makakapitan sa oras ng kagipitan, patuloy silang magbibigay ng abuloy paral sa kanilang mga pananampalataya. At sa patuloy na paglalagak ng sarili sa kani-kanilang pananampalataya, patuloy ring dadagsa ang mga tao upang busugin at bundatin ang mga pinuno ng relihiyon. Mga pinunong nasanay na mangaral kapalit ng pagtanggap ng mga kapakinabangan. Mga pakinabang na isasampa nila sa kanilang mga sikmurang tila butas na walang kabusugan.
---mayk

(Inilipat dito buhat sa aking blog na napagdiskitahan kong burahin ilang araw na ang nakararaan. Ang sanaysay na ito ay opinyon lamang at pakiusap na huwag lagyan ng masamang tinapay.) -mayk

0 comments:

Subscribe to: Post Comments (Atom)